MANILA, Philippines – Sa pagkakalasap ng Letran College sa kanilang kauna-unahang kabiguan ay ang five-peat cham-pions na San Beda College ang may pinakamahabang winning streak ngayon.
At ito ang kanilang poprotektahan kasabay ng layuning makasalo sa Knights para sa liderato.
Target ang kanilang pang-limang sunod na ratsada, sasagupain ng Red Lions ang six-time titlists na San Sebastian Stags ngayong alas-4 ng hapon matapos ang salpukan ng Emilio Aguinaldo College Generals at ng Lyceum Pirates sa alas-2 sa 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Matapos matalo sa Letran, 80-93 noong Hul-yo 16 ay apat na sunod na panalo ang ipinoste ng San Beda, kabilang rito ang 88-69 pagpapabagsak sa Jose Rizal para sa kanilang 6-1 record.
“Life is a continuous learning process and that loss to Letran taught us to work and prepare harder,” wika ni rookie mentor Jamike Jarin.
May 7-1 baraha naman ang Knights na yumukod sa Generals, 69-83 noong nakaraang Biyernes bunga na rin ng one-game suspension kay rookie coach Aldin Ayo.
Sina PBA-bound Arthur dela Cruz, nagtala ng mga averages na 21.86 points, 13 rebounds, 6.14 assists at 1.57 steals at 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeogun ang muling sasandalan ng Red Lions.
Ipaparada naman ng Stags si sophomore Michael Calisaan, pinsan ni dating NCAA MVP Ian Sangalang na nagposte ng career high na 35 points, 16 boards at 2 blocks sa kanilang 77-70 panalo laban sa Pirates.
Samantala, kapwa maghahangad naman ang EAC at ang Lyceum na buhayin ang kanilang tsansa sa Final Four.
Nahinto ang two-game winning run ng Generals nang matalo sa Perpetual Altas, 55-68.