Petecio tumiyak ng tansong medalya

WULANCHABU, China – Siya na lamang ang natitirang kumakampanya para sa Pilipinas.

At hindi niya maaa­ring isuko ang laban.

Sinikwat ni Nesthy Petecio ng PLDT-ABAP boxing team ang semifinals berth sa ASBC Asian Women's Championships matapos talunin si Kawano Sana ng Japan sa Wulanchabu Sports Gymnasium dito.

Ang 19-anyos na si Sana ang ikalawang tinalo ng pambato ng Davao del Sur sa torneo para makapasok sa semifinals.

Hangad ng 23-anyos na si Petecio na makuha ang gold medal matapos makuntento sa silver medal sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Nanalo rin siya ng silver medal sa 2014 Women's World Championships sa Jeju, Korea noong Nobyembre.

Nauna nang nasibak sa second preliminary round sina Josie Gabuco, Irish Magno at Riza Pasuit.

Nakatakdang labanan ni Petecio sa semifinals si Basumatary Pwilao ng India.

Nanalo si Pwilao via split decision laban kay hometown favorite Liu Piaopiao sa quarters.

Show comments