MANILA, Philippines – Matapos si Paul George, muli namang ibabalik ng Nike Rise Philippines si LeBron James ng Cleveland Ca-valiers bilang bahagi ng kanilang developmental program na nakatutok sa paghahanap ng mga mahuhusay na street ball talents sa buong bansa para sumailalim sa isang programa.
“Get ready, King James will be arriving to inspire Team Rise and Pinoy basketball to the next level,” pahayag kahapon ng Nike Philippines sa kanilang official Twitter account na @NikePH.
Kilala bilang ‘King James’, nakatakdang dumating sa bansa ang Cleveland Cavaliers star sa Aug. 19 kasunod ang press conference kinabukasan.
Si James ang magiging coach ng mga finalists ng Nike Rise project laban sa selection squad ng UAAP sa Aug. 21 o 22 bago siya magbakasyon sa ilang top tourist spots sa bansa.
Ito ang ikalawang pagkakataon na bibisita sa bansa si James dahil nagpunta na siya dito noong 2013 sa ilalim ng Nike multi-country tour.
Naglalaro pa si James noon para sa Miami Heat sa kanyang pagdating sa bansa bago bumalik sa Cavaliers noong nakaraang taon.
Noong Hulyo ay ibinalik din ng Nike Rise si George ng Indiana Pacers.
Bukod kay LeBron, nakatakda ring bumisita si Minnesota Timberwolves star guard Ricky Rubio para sa kanyang two-country tour.
“Happy to announce that I will be on an International Tour this August visiting the Philippines and Dubai,” wika ni Rubio sa kanyang Twitter account @rickyrubio9.
Darating si Rubio, isang Spaniard na kinuha bilang fifth overall pick ng Wolves noong 2009 NBA draft, sa Aug. 20 bago dumiretso sa Dubai sa Aug. 24-28 bilang special guest ng Basicball Academy Summer Camp.
Ngayong buwan din bibisita sina Denver Nuggets star Kenneth “The Manimal” Faried at San Antonio Spurs guard Danny Green bilang main attractions ng NBA 3X Philippines 2015 sa SM Mall of Asia. (JV)