WULANCHABU, China – Ipinaramdam nina Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang kanilang lakas matapos igupo ang mga nakalabang taga-Uzbekistan sa pamamagitan ng technical knockout sa ikalawang araw ng ASBC Asian Women’s Boxing Championships nitong Sabado sa Wulanchabu Sports Gymnasium dito sa sentro ng Inner Mongolia Autonomous Region.
Kinailangan ni Gabuco, may anak na 7-gulang na lalaki at 2012 AIBA world champion, ng tatlong rounds upang igupo si Atakulova Gulasal.
Ilang ulit na nagtangkang kunin ang panalo ni Gulasal ngunit ilang beses din siyang nabigo matapos tamaan ng left hooks ni Gabuco.
Mas agresibo naman ang kalaban ni Petecio na si Aziza Yakubova na ilang beses na ginitgit ang Pinay sa pagtatangkang kontrolin ang laban. Ngunit laging may panagot na right hook si Petecio na yumanig sa Uzbek na binigyan ng standing eight count sa unang round kaya hindi na tumagal ang laban sa second round.
Noong opening day, nagtala si Irish Magno ng decision laban kay AIBA World Youth champion Lin Yu Ting ng Chinese-Taipei sa labang tumagal ng apat na rounds.
Nakatakda namang lumaban kahapon si bantamweight Riza Pasuit sa unang pagkakataon sa tournament na ito laban sa local bet na si Meiling Gao.