MANILA, Philippines - Balak ng FEU Lady Tamaraws at Ateneo Lady Eagles na makumpleto ang magarang laro sa elimination round sa pagharap sa magkahiwalay na katunggali sa Shakey’s V-League Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng nagdedepensang kampeon Lady Tamaraws ang National University Lady Bulldogs sa ganap na ika-12:45 ng hapon habang kasukatan ng Lady Eagles ang na-ngungulelat na TIP Lady Engineers dakong alas-5 ng hapon.
Ang pangalawang laro ay sa pagitan ng Arellano Lady Chiefs at UP Lady Maroons para sa puwestuhan sa Group A.
Sa 0-4 karta ay parehong talsik na ang PUP Lady Radicals at University of Batangas Mighty Brahmans sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog pa ng PLDT Home Ultera.
Apat na sunod na panalo ang naiposte ng FEU dahil sa magandang pagtutulungan nina guest player Jovelyn Gonzaga at mga beteranang sina Bernadeth Pons at Remy Palma.
Pero tiyak na mapapalaban sila sa Lady Bulldogs na kasama ng Lady Chiefs sa ikalawang puwesto sa 3-1 karta.
Kumpleto ang puwersa ng NU dahil sa pagbabalik nina Dindin Manabat at Myla Pablo matapos kumampanya sa Vietnam para matiyak na may mapagkukunan sila ng mahalagang puntos.
Wala namang nakikitang problema sa hangarin ng Ateneo na maia-ngat ang baraha sa 5-0 dahil di hamak na mas malakas ang kanilang puwersa laban sa Lady Engineers na may 1-3 baraha sa Group B.
Si Alyssa Valdez ang muling aasahan matapos ipakita na balik na ang kanyang magandang kondis-yon sa pinakawalang conference-high na 32 puntos nang tinalo ng Ateneo ang St. Benilde Lady Blazers sa limang sets sa huling asignatura.