MANILA, Philippines – Maliban kay Eric Cray sa athletics, sina Hidilyn Diaz at Daniel Caluag ang ilan sa mga atleta na pagtutuunan ng mga sports officials para mapa-lakas ang paghahabol sa gintong medalya ng bansa sa 2016 Rio Olympics.
Sa kasalukuyan ay si Cray pa lamang ang nakatiyak ng upuan sa Olympics habang ang weightlifter na si Diaz at ang BMX rider na si Caluag ay inaasahang papasok sa Rio sa pamamagitan ng pagsali sa mga Olympic qualifying events.
Isang two-time Olympian si Diaz na bumaba rin ng timbang tungo sa 53-kilogram division habang si Caluag ay isang Incheon Asian Games at SEA Games gold medalist na nasama rin sa London Olympics.
“Sina Cray at Caluag ay may mga coaches sa US at hinihintay namin ang mga plano na gagawin para sa kanila. Alam natin na hindi naman puwedeng sumali lang sila nang sumali sa mga kompetisyon dahil kailangang matiyak na sa 2016 ay nasa peak sila. But one thing is sure, we will expose them to as many tournaments as we can for them to be at their best,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Sa tatlong ito ay sa bansa lamang nagsasanay si Diaz pero hinahanapan na ngayon kung saang bansa siya puwedeng ipadala upang mas lumabas ang kanyang tunay na galing.
“Kailangang pakialaman natin ito dahil kung hindi, ano ang mangyayari sa atleta? Naniniwala ako na hindi pa naabot ni Hidilyn ang kanyang tunay na potensyal,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr.
Sa Nobyembre ay isasali si Diaz sa World Championships sa Houston, Texas na isang Olympic qualifying event.
Kung pumasok siya sa Rio ay malaki ang posibilidad na magsanay siya sa ibang bansa.
“Nag-usap na kami ni chairman Garcia and as must as possible, we should send her abroad and stay there until the Olympics. Talagang itotodo na natin ito hanggang sa matapos,” pahayag pa ng POC head.
Maliban sa tatlong atletang ito, ang mga panlaban sa boxing at taekwondo ang mga sports na siyang hinuhulaan na puwedeng maghatid ng kauna-unahang gintong medalya sa Pilipinas sa Olympics. (AT)