MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang mga basketbolista na hindi nasali sa naunang mga palaro sa tatluhang basketball sa isasagawang Black Mamba 3x3 Basketball tournament sa Setyembre.
“We’re doing it with grassroots approach so everyone has a chance to showcase their talents. This is the best alternative sa mga players na hindi nakasali sa ibang 3x3 events,” wika ni Joel Salindong na advertising consultant ng energy drink nang maging bisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Dadayo sa 16 na siyudad sa National Capital Region ang programa at ang mga tatangha-ling kampeon ay aabante sa National Finals sa Nobyembre 15 sa Harrizon Plaza.
Dahil inaasahang dudumugin ng mga kalahok lalo pa’t P1,000 lamang ang entry fee at kasama na rito ang libreng jersey, lilimitahan lamang sa 30 teams ang mga kasali sa bawat leg.
Sa Setyembre 12 magsisimula ang liga at unang gagawin ito sa Quezon City. Sunod na tutungo ang laro sa Manila, Mandaluyong, Parañaque, Malabon, Navotas, Marikina, Pasay, Kalookan, Las Piñas, Muntinlipa, Pasig, Pateros, Taguig, Makati at San Juan.
Tanging mga manlalaro na edad 16-anyos pataas ang puwedeng sumali at ang tatanghaling kampeon sa finals ay tatanggap ng premyo na hindi agad sinabi ng nagpapalaro.
Basketball agad ang event na napiling gawin ng Black Mamba dahil isa sa kanilang endorser ay si Marc Pingris ng Star Hotshots.
Ang isa pang endorser ay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. May plano rin na sumuporta ang energy drink sa cycling at MMA sa hinaharap. (AT)