SINGAPORE – Apat na swimmers ng Philippine Swimming League (PSL) ang ginawaran ng Most Outstanding Swimmer awards makaraang magtampisaw ng medalya sa kani-kaniyang dibisyon sa pagtatapos ng 2015 Singapore Invitational Swimming Championship sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.
Bumandera sa listahan sina Indian Ocean All Star Challenge multi-gold medalists Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College at Kyla Soguilon ng Sun Yat Sen School.
Kasama rin sa nagbulsa ng MOS sina Marc Bryan Dula ng Wissenheimer Academy at Lee Grant Cabral ng Diliman Preparatory School.
Kabuuang limang ginto at tatlong pilak ang kinamada ni Mojdeh sa girls’ 8-9 na pinag-init ng dalawang bagong rekord sa 100-meter breaststroke (1:34.89) at 50m butterfly (36.42).
“We’re overwhelmed with the results that we’re getting here. There are lots of good swimmers in this edition including those from Singapore Sports School who are members of the Singapore national junior team,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
“Talagang malalakas ang mga kalaban pero lumaban ang mga bata. Nakakatuwa na nakatanim na sa puso nila yung res-ponsibilidad na Pilipinas ang inire-represent nila dito hindi schools or teams nila,” dagdag pa ni Papa.
Limang gold din ang nakuha ni Soguilon na tampok ang pagbasag ng dating record sa 100m backstroke sa oras na 1:16.78, bukod pa ang tig-isang pilak at tanso sa 10-11 category.
Ang iba pang ginto ni Soguilon ay mula sa 50m backstroke, 50m freestyle, 100m freestyle at 50m butterfly habang ang pilak ay sa 200m freestyle relay kasama sina Isis Arnaldo, Joanna Cervas at Tricia Princillo at tanso naman sa 50m breaststroke.
Nagpakitang-gilas din ang 8-anyos na si Dula na lumangoy ng isang ginto at anim na pilak sa boys’ 8-9 event.
Inangkin ni Dula ang ginto sa 50m butterfly habang pumangalawa ito sa 200m freestyle, 50m backstroke, 100m butterfly, 200m freestyle relay at 200m medley na kasama sina Cabral, Joey Del Rosario at Robby Loy.
Samantala, umukit ng dalawang ginto at apat na pilak si Cabral para makatabla si Dula sa nasabing karangalan.
Hinirang na kampeon si Cabral sa 50m freestyle at 100m butterfly. (MRM)