MANILA, Philippines - Pipilitin ng Letran College na maduplika ang kanilang 7-0 panimula dalawang taon na ang nakakaraan sa hangaring patuloy na palawigin ang pagdomina sa 91st NCAA men’s basketball tournament.
Lalabanan ng Knights ang Lyceum Pirates ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng San Sebastian Stags at St. Benilde Blazers sa alas-2 sa The Arena sa San Juan City.
Noong 2013 ay ikinasa ng Letran ang 7-0 panimula ngunit nabigong masikwat ang kampeonato.
Sinabi ni rookie coach Aldin Ayo na hindi dapat ito pagtuunan ng pansin ng Knights, magkakasunod na tinalo ang Jose Rizal University, five-peat champions na San Beda, Perpetual Help at 2014 runner-up Arellano University.
“I keep reminding my players to keep playing hungry and play with urgency and desperation,” wika ni Ayo, dating miyembro ng coaching staff ng Kia ni playing coach Manny Pacquiao sa PBA.
Muling aasahan ng Knights ang kanilang ‘Big Three’ na sina Kevin Racal, Rey Nambatac at point guard Mark Cruz sa asam na pang-pitong sunod na ratsada.
Sa 77-68 panalo laban sa Arellano noong nakaraang Biyernes ay kumamada si Racal ng 24 points para sa Letran, habang nagdagdag si Nambatac ng 13 at may 9 markers si Cruz na tinampukan ng kanyang krusyal na three-point shot sa huling 1:52 minuto sa fourth quarter.
Nanggaling naman ang Pirates sa 95-109 pagyukod sa Mapua Cardinals kung saan sila nakabangon mula sa 43-point deficit sa second period noong nakaraang Biyernes.
Samantala, mag-uunahan namang makabangon mula sa kamalasan ang Stags at ang Blazers, may magkakatulad na 1-5 baraha kagaya ng Pirates at Emilio Aguinaldo College Generals.