SINGAPORE – Tatlo pang bagong records at 12 pang ginto ang nilangoy ng mga pambato ng Philippine Swimming League (PSL) delegation upang magpatuloy ang kanilang pananalasa sa ikalawang araw ng 2015 Singapore Invitational Swimming Championship na nilalaro sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.
Matapos tabunan ang marka sa 100m butterfly ay binasag pa ni Sean Terence Zamora ang mga records sa boys’ 14-15 50m at 100m backstroke habang si Kyla Soguilon ay umukit din ng bagong marka sa girls’ 10-11 100m backstroke para pag-ningningin ang nahakot na 22 ginto ng delegasyon.
Naorasan si Zamora ng 29.97 segundo sa 50m habang may tiyempo na 1:02.95 sa 100m na lumunod sa mga dating records na hawak ng Asian Games at SEA Games multi-gold medalist na si Joseph Schooling ng Singapore na 29.48 at 1:04.52 ,ayon sa pagkakasunod noong 2010.
Ang PSA Milo Junior Athlete of the Year na si Soguilon ay lumangoy sa bilis na 1:16.78 sa 100m back para baguhin ang dating pinakamabilis na 1:17.44 na hawak ni Niece Damrongat ng Thailand noon pang 2010.
Bumalik pa si Soguilon para manalo uli sa 50m freestyle sa bilis na 31.53 segundo na nagpalakas sa kanyang paghahabol para sa Most Outstanding Swimmer award.
May dalawa pang ginto si Gianna Millen Data sa girls’ 16-17 50m breaststroke (40.53) at 100m butterfly (1:19.36) habang tig-isang ginto ang ambag nina Maxine Dalmacio sa girls’ 10-11 200m freestyle (2:52.36), Lee Grant Cabral sa boys’ 8-9 50m freestyle (36.20), Martin Jacob Pupos sa boys’ 16-17 100m buttefly (1:01.55), Nigel Timothy Romey sa boys’ 12-13 100m backstroke (1:13.75) at Charize Julian Esmero sa girls’ 12-13 100m backstroke (1:13.79).
Wagi rin sina Esmero, Aalia Jaire Espejo, Da-nica Mikaela Alba at Riandrea Chico sa girls’ 12-13 200m freestyle relay at sina Data, Esmerp, Sophia Castillo at Aubrey Ybanes sa girls’ 16-17 200m freestyle relay.
“Talagang napalaban nang husto ang mga bata natin pero hindi sila nagpapatalo,” masayang pahayag ni PSL president Susan Papa. “It’s a great performance by our swimmers with record breaking performances on records made by now outstanding swimmers like Schooling and Damrongat.”
Ang mga nanalo pa ng pilak ay sina Marc Bryan Dula, Marcus Faytaren, Isis Arnaldo, Rio Lorenzo Malapitan, Gian Nicole Nunez, Stephen Guzman, Stephen Michael Abalos, Mark Daniel Marajucom, Jason Mirabueno, Ybanez, Romey, Pupos, ang boys’ 8-9 200m freestyle relay team (Cabral, Dula, Joey Del Rosario at Robby Loy) at girls’ 8-9 200m freestyle relay team (Jasmine Mojdeh, Aubrey Tom, Janelle Blanch at Santien Santos), girls’ 10-11 200m freestyle relay team (Arnaldo, Soguilon, Joanna Cervas at Tricia Princillo), boys’ 14-15 200m freestyle relay team (Zamora, Faytaren, Paul Christian King Cusing at Ferdinand Ian Trinidad) at boys’ 16-17 200m freestyle relay team (Mirabueno, Cusing, Pupos at Aron Romey).