MANILA, Philippines - Lumapit sa isang laro ang FEU Lady Tamaraws para sa hangad na sweep sa group elimination nang kunin ang 25-20, 25-20, 25-19 straight sets panalo sa UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang inaasahang dikitang laro ay hindi nangyari dahil humugot ang Lady Tamaraws ng 19 puntos sa guest player na si Jovelyn Gonzaga.
Si Toni Rose Basas ay mayroong 11 puntos at siya ay ibinabad sa ikatlong set habang ang isa pang guest player na si Honey Royse Tubino at starter Bernadeth Pons ay naghati sa tig-18 puntos.
Ikaapat na sunod na panalo ito ng FEU at kailangan na lamang nilang manalo sa National University Lady Bulldogs para pangunahan ang Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Ito ang ikalawang talo sa apat na laro ng Lady Maroons at wala silang player na naka-double-digits.
Ang baguhang si Maria Lina Isabel Molde ang nanguna sa kanyang siyam na kills ngunit dahil walang katuwang ay dinurog sila sa attack points, 23-46 kung saan sina Gonzaga at Basas ay may 14 at 10 at ang pinagsamang attack points ay mas mataas ng isa sa naitala ng Lady Maroons.
Nanatili ang magandang pagtutulu-ngan ng UST Tigresses para makapasok na sa quarterfinals sa Group B sa 25-16, 25-19, 24-26, 25-14, tagumpay sa TIP Lady Engineers sa ikalawang laro.
May 16 kills at dalawang blocks si Ennajie Laure tungo sa 18 puntos habang sina Pam Lastimosa at Chlodia Cortez ay may 10 puntos para maisulong ng Tigresses ang karta sa 3-1.
Natalo ang TIP sa ikatlong pagkakataon matapos ang apat na laro para makasalo ang San Sebastian Lady Stags at La Salle-Dasma Lady Patriots sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto.
Ang mangungunang apat na koponan sa bawat grupo ay aabante sa quarterfinals. Kung magkakaroon ng tabla para sa ikaapat at huling upuan ay idadaan ito sa playoff.