MANILA, Philippines – Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan ay pinitas ng Cignal HD Spikers B at ng Foton Hurricane ang dalawang semifinal tickets sa PLDT Home Ultera Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na pinalakas ng Smart Live More kahapon sa Sands By the Bay sa SM Mall of Asia.
Nahinto ang laro ng halos 20 minuto dahil sa malakas na pag-ulan na hindi naman nakaapekto kina Wensh Tiu at April Ross Hingpit ng HD Spikers B nang kunin ang 21-14, 21-18 panalo kina Cebuana veteran Jusabelle Brillo at UST standout Jem Gutierrez ng Meralco.
Pinatumba naman nina Bea Tan at Pau Soriano ng Foton Hurricane sina Gretchen Ho at Charo Soriano ng Petron XCS, 21-12, 18-21, 15-7, sa torneong inorganisa ng Sports Core katuwang ang Accel, Senoh, Sands By the Bay at Maynilad.
Lalabanan ng HD Spikers B ang mananalo sa pagitan ng Amy’s at Gilligan’s, habang haharapin ng Foton Hurricane ang mananaig sa Foton Tornadoes at Philips Gold na nakatakda kahapon.
Inupuan naman ng Petron Sprint 4T ang ninth place nang talunin ang Accel Quantum Plus Perpetual Molino A, 21-14, 21-5 at sinikwat ng Benguet Electric Cooperative ang 11th place matapos daigin ang Accel Quantum Plus Perpetual Molino B, 21-8, 21-9.
Sa men’s division, paglalabanan ng SM By the Bay A at Champion Infinity B ang korona nang manaig sa kanilang mga karibal sa semifinals.
Binigo nina Cebuano Jade Becaldo at Hachaliah Gilbuena ng SM By the Bay A ang Centerstage, 21-13, 21-16 samantalang pinatumba ng Champion Infinity B ang Cignal HD Spikers A, 21-23, 22-20, 15-10.
Tinalo naman ng Cignal HD Spikers B ang Champion Infinity A, 21-17, 15-21, 16-14, para sa fifth place, habang pinabagsak ng IEM ang Perpetual Molino A, 21-16, 21-8 para sa seventh place.