Semis slot pag-aagawan sa PSL beach volley
MANILA, Philippines - Tatlong koponang may malinis na kartada ang maghahangad ng tiket para sa semifinal round ng women’s division sa PLDT Home Ultera Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na pinalakas ng Smart Live More ngayon sa SM By the Bay sa SM Mall of Asia.
Lalabanan ng Cignal HD Spikers B ang Meralco sa ganap na alas-2:30 ng hapon, habang lalabanan ng Foton Tornadoes ang Philips Gold sa alas-4 kasunod ang bakbakan ng Amy’s at Gilligan’s sa alas-4:40 sa kanilang hangaring makapasok sa semifinals sa torneong inorganisa ng SportsCore katuwang ang Accel, Sands By the Bay at Maynilad.
Sina Wensh Tiu at April Ross Hingpit ng Cignal HD Spikers B ay kaagad nakapasok sa quarterfinals matapos kunin ang 21-16, 21-13 panalo sa Petron Sprint 4T at ang 21-12, 21-12 tagumpay sa Accel Quantum Plus-Perpetual Molino B sa pagbubukas ng torneo noong Hulyo 18.
Aabangan din sa mga aksyong mapapanood sa TV 5 ang salpukan ng Foton Hurricane at Petron XCS sa alas-3:20 na tampok sina Bea Tan at Pau Soriano kontra kina Gretchen Ho at Charo Soriano.
Ang mga mananalo sa quarterfinals ay aabante sa semifinals na nakatakda kinahapunan. Hahataw ang finals ng torneo sa susunod na Sabado.
Sa men’s division, lalabanan ng Champion Infinity B ang Cignal HD Spikers A sa alas-10 ng umaga, habang magsusukatan ng lakas ang SM By the Bay at ang Centerstage sa alas-10:50.
Maghaharap sa unang laro sa alas-7:30 ng umaga ang Champion Infinity A at ang Cignal HD Spi-kers B.
- Latest