MANILA, Philippines – Hindi sila matatangkad at magaling na team ngunit may tiwala sa isa’t isa sina Jusabelle Brillo at Jem Gutierrez ng Meralco na inaasahang magdadala sa kanila sa tagumpay sa pagpasok ng PLDT Home Ultera Philippine Superliga Beach Volleyball 2015 na handog ng Smart Live More sa crucial stretch ngayong Sabado sa Sands By the Bay sa SM Mall of Asia.
Bilang seasoned spiker mula sa University of the Visayas, maganda ang naging simula nina Brillo at ng 19-anyos na si Gutierrez nang kanilang igupo ang Benguet Electric Cooperative (Beneco) team nina Cindy Benitez at Florence May Madulid sa opener ng torneong inorganisa ng Sports Core katulong ang Accel bilang official outfitter, Sands By the Bay bilang venue partner at Maynilad bilang official water provider.
Ngunit lumasap sila ng five-set loss laban kina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Foton Tornadoes noong nakaraang linggo dahil naapektuhan ang kanilang laro ng malakas na hangin at ulan.
“Ang beach volleyball, hindi po ‘yan puro lang height, skills o experience. Dapat may tiwala din po sa isa’t isa,” sabi ni Brillo, veteran ng dalawang Asian Beach Games sa Bali, Indonesia at Phuket, Thailand.
“Kahit natalo po kami sa Foton dahil malakas ang hangin at medyo bumabagyo, hindi na po namin iniisip ‘yun. Ang importante ay magtiwala lang kami sa isa’t isa. Kasi kung magiging solid po kami, kahit sino pa man ang makalaban namin, makakaya naming talunin.”
Hindi dapat magka-teammate sina Brillo at Gu-tierrez sa torneong ito na mapapanood ng live sa TV 5.
Kakampi dapat ni Brillo si Cherry Rondina ng University of Santo Tomas (UST) at iba rin dapat ang teammate ni Gutierrez.
Pero pinagtagpo sila ng tadhana, ilang araw bago magsimula ang torneo kaya kaunti lang ang kanilang panahon para magsanay.
“Hindi kami katulad ng ibang teams na ilang buwan nang magkakasama,” sabi ni Gutierrez, isang Behavioral Science student sa UST. “Pero hindi man kami masyadong pamilyar sa isa’t isa sa loob ng court, very patient naman si ate sa pag-guide sa akin. Nagtitiwala siya sa akin at binibigyan ako ng pointers para mas lalo pang mag-improve sa loob ng court.”
Haharap ang Meralco sa bigating Cignal HD Spikers B team nina Wensh Tiu at April Ross Hingpit sa quarterfinals nitong weekend.
“Basta teamwork at tiwala lang sa isa’t isa,” she said. “Mas mahirap kaming talunin kung magtutulu-ngan kaming dalawa sa loob.”