MANILA, Philippines – Suportado ng Philippine Olympic Committee (POC) ang hangarin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na isagawa sa bansa ang 2019 FIBA World Cup.
Isang resolusyon ang ipinasa kahapon ng POC sa General Assembly meeting sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City para isusog ang hosting sa pinakaprestihiyosong kompetisyon sa basketball.
“We’re all-out in supporting the bid to host the FIBA World Cup in 2019,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr. “This is a show that the NOC is fully supporting the NSAs endeavor.”
Si SBP president at negosyanteng Manny V. Pangilinan ang nagsususog na makuha ang hosting matapos ang matagumpay na FIBA Asia Men’s Championship noong 2013.
Tutulak si Pangilinan at iba pang opisyales patungong Tokyo para sa huling presentasyon sa hosting sa FIBA Central Board.
Ang China ang siyang karibal ng Pilipinas ngunit masasabing mas matibay ang laban ng China dahil mismong ang gobyerno nila ang nagtutulak nito.
Sinabi naman ni PSC chairman Ricardo Garcia na naipaabot na niya sa FIBA ang pagsuporta ng ahensya sa hosting.
“We’ve already expressed our support to SBP’s bid when we met with a Fiba delegation led by (Patrick) Baumann a few months ago when they came over to inspect the venues,” wika ni Garcia.
Wala namang sinabi si Garcia kung makakatulong ang ahensya sa aspetong pinansyal pero handa umano ang PSC na tumulong sa anumang pamamaraan kung maibigay na ang hosting sa bansa.
“Puwede kaming tumulong sa technical o sa venues. Kapag nakuha natin ito ay puwedeng magpulong uli kami ng SBP at iba pa para malaman kung paano makakatulong ang lahat,” sabi pa ni Garcia.
Taong 1978 nang isagawa ang World Basketball Championship sa Pilipinas sa Smart Araneta Coliseum at kung makuha uli ay idaragdag ang Mall of Asia Arena sa Pasay City sa mga gagamiting venues para sa kompetisyon.
Kung magkakataon, dalawang malalaking international event ang iho-host ng bansa sa 2019 kung makukuha rin ng Pinas ang pagi-ging punong-abala ng Southeast Asian Games.
Ayon kay Garcia, wala siyang nakikitang problema sakaling makuha ng Pinas ang hosting ng FIBA World Cup at ng SEA Games.
“I don’t even know why they’re worried about hosting the two. We can even host three (events),” sabi pa ni Garcia.
Umaasa ang SBP na ang pagmamahal ng mga Pinoy sa basketball ang magiging susi para ibigay ng FIBA ang World Cup hosting sa Pinas laban sa China na may karanasan na sa pagho-host ng mala-laking events tulad ng Olympics.