Sorela nagpakilala
MANILA, Philippines - Sa isang iglap ay naipakilala ni Micole Sorela ang kanyang sarili.
Inagaw ni Sorela ang inbound pass ni Earl Scottie Thompson na nagresulta sa kanyang dalawang free throws para itakas ng five-peat champions na San Beda Red Lions laban sa Perpetual Help Altas ang 83-81 panalo at solohin ang No. 2 sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ang dalawang charities ni Sorela ang nagbigay sa Red Lions ng 83-79 bentahe sa huling 5.3 segundo na tumiyak sa kanilang pangatlong sunod na ratsada kasabay ng pagpapalasap sa Altas ng ikalawang dikit nitong kamalasan.
Nakakuha naman ng foul si Thompson kay Sorela sa three-point line ngunit dalawang free throws lamang ang kanyang naikonekta.
“Both teams came prepared and unfortunately, only one team has to come out a winner,” wika ni San Beda rookie coach Jamike Jarin.
Tumapos si Sorela na may 15 points, 10 rebounds at 4 assists para sa Red Lions na nakahugot kay Arthur Dela Cruz at Nigerian import Ola Adeogun ng double-double.
Humakot si Dela Cruz ng 25 points, 17 rebounds at 6 assists habang si Adeogun ay kumolekta ng 11 markers at 13 boards.
Si 6’8 Nigerian reinforcement Bright Akhuetie ay kumamada ng 25 points, 16 rebounds at 6 steals at nagdagdag si Thompson ng 20 points, 5 assists, 4 rebounds at 2 steals sa panig ng Perpetual.
Samantala, ipinagpatuloy ni Tey Teodoro ang kanyang pagpapasikat nang kumamada ng 21 points, 8 rebounds at 3 steals sa 67-49 paggiba ng Jose Rizal Heavy Bombers sa St. Benilde Blazers para itaas sa 4-2 ang kanilang kartada.
Ito ang ikatlong sunod na arangkada ng Heavy Bombers ni mentor Vergel Meneses at nilimitahan ang Blazers sa ikalawang pinakamababang point output ngayong season.
Ang season low ay ang 47-67 kabiguan ng Emilio Aguinaldo College sa Jose Rizal noong Hulyo 17.
- Latest