MANILA, Philippines - Ginarantiya ng mga taong nasa likod ng International Premier Tennis League (IPTL) Manila na sulit ang iba-bayad na malaking halaga para mapanood ang tatlong araw na kompetisyon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang ikalawang sunod na taon na gagawin ang nasabing kompetisyon at nakatakda ito sa Disyembre 6-9.
May kamahalan ang tiket dahil nasa P2,600.00 ang pinakamurang halaga sa General Admission habang P58,500.00 ang sa VIP.
“We will have 40 icons coming over for the three-day tournament. It’s a big increase from the 27 we had last year,” wika ni IPTL project head Clementine Apacible na sinamahan ni national coach Roland Kraut sa PSA Forum kahapon.
“Halos ganito rin ang presyo sa mga malalaking concerts pero dalawang oras lang ang itinatagal nito. Sa IPTL, six hours ang inaabot ng laro,” dagdag ni Apacible.
Ang Philippine Mavericks ang koponan ng bansa at makikipagtunggali sila sa apat na dayuhang teams.
Mangunguna rito ang nagdedepensang kampeong Indian Aces na ibabandera sina Rafael Nadal at Sania Mirza.
Ang Mavericks ay pangungunahan ni women’s number one player Serena Williams at sasamahan nina team captain Mark Philippoussis, Jo-Wilfried Tsonga, Richard Gasquet, Jamila Gajdosova, Borna Coric, Sabine Lisicki at Fil-Am Treay Huey.
Ang iba pang kasaling koponan ay ang Japan Warriors, Singapore Slammers at UAE Royals habang ang iba pang malaking pangalan na tutungo sa bansa ay sina Maria Sharapova at Leander Paes ng Warriors, Novak Djokovic at Carlos Moya ng Slammers at Roger Federer at Ana Ivanovic ng Royals.
Sinabi naman ni Kraut na ang pagkakaroon uli ng IPTL sa Pilipinas ay makakatulong para tumaas ang interes sa sport lalo na sa mga kabataan. (AT)