May Olympic gold na sana tayo mula kay Manny Pacquiao.
Usap-usapan na ito dati na si Pacquiao ay puwedeng lumaban sa Olympics.
Puwede palang mangyari.
Kung natuloy lang, baka may Olympic gold na tayo ngayon.
Nabanggit noong nakaraang linggo sa PSA Forum kung saan guest si Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson ang tungkol sa imbitasyon kay Pacquiao na lumaban sa Olympics.
Kuwento ni Picson, ilang taon na ang nakakaraan, napag-usapan nila ni International Boxing Association (AIBA) President Dr Ching-Kuo Wu ng Chinese Taipei ang posibilidad na paglaban ni Pacquiao sa Olympics.
Bibigyan daw sana ng exception si Pacquiao kung papayag siyang lumaro sa Olympics.
May ruling kasi na puwede lamang lumaban sa Olympics ang isang professional boxer kung wala pa itong 25 professional fights.
Nang mapag-usapan ito, higit na sa 50 na ang laban ni Pacquiao, gayunpaman, pinag-iisipan pa rin ni Dr. Wu na pagbigyan si Pacquiao.
Binanggit daw ni Picson ito kay Pacquiao.
Nagkaroon ng interes si Pacquiao kasi pangarap din daw niyang manalo ng Olympics.
Ang problema, may kontrata si Pacquiao sa Top Rank Promotions ni Bob Arum.
Kung natuloy ito, malaki ang posibilidad na manalo si Pacquiao ng gold.
Sayang naman…