MANILA, Philippines - Puwesto sa quarterfinals ang nakataya sa National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws sa pagbabalik ng laro sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang Lady Bulldogs kontra sa matikas na Arellano Lady Chiefs sa ganap na ika-12:45 ng hapon habang haharapin ng Lady Tamaraws ang PUP Lady Radicals dakong alas-3 ng hapon.
Huling laro sa triple-header game sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera ay ang tipanan ng TIP Lady Engineers at San Sebastian Lady Stags.
May 2-0 panalo ang NU at FEU at kung madugtungan pa ang winning streak ay makakapuwesto na sa quarterfinals sa Group A.
Tinalo ang UP Lady Maroons at University of Batangas Mighty Brahmas, masusukat ang lalim ng bench ng Lady Bulldogs dahil hindi nila makakasama ang mga mahuhusay na sina Dindin Manabat at Myla Pablo na kasama ng koponang inilalaban sa VTV Cup sa Vietnam.
Bunga nito, si Jaja Santiago na siyang number one scorer sa liga sa pagkakaroon ng 38 puntos matapos ang dalawang laro, ang siyang magdadala sa NU ngunit dapat na may sumuporta sa kanya dahil ang Lady Chiefs ay magnanais na bumangon matapos mabigo sa FEU sa huling laro.
Ang dating NU player na ngayon ay guest player ng Arellano na si Carmina Aganon ay makikipagtulungan kina Danna Henson, Cristine Joy Rosario at Menchie Tubiera para tumatag ang laban para sa puwesto sa susunod na yugto ng kompetisyon.
Sina Bernadeth Pons, Remy Palma, Geneveve Casugod at guest player Jovelyn Gonzaga ang mga aasahan sa Lady Tamaraws para ipatikim sa PUP ang ikatlong sunod na kabiguan.
Sisikapin naman ng TIP na bumangon matapos ang unang pagkatalo sa St. Benilde Lady Blazers kontra sa Lady Stags na determinado namang wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo sa Group B.