Romeo top scorer ng PBA Season 40
MANILA, Philippines - Mula sa pag-iskor ng 83 points sa isang laro ng Far Eastern University Baby Tamaraws sa UAAP juniors’ division, ngayon ay isa nang ganap na sco-ring champion sa professional league si Terrence Romeo ng Globalport.
Hinirang si Romeo bilang top scorer ng nakaraang 40th season ng Philippine Basketball Association matapos maglista ng average na 19.66 points a game para sa Batang Pier.
Inilista na ang pangalan ni Romeo sa mga players na naging scoring champion ng isang PBA season kahanay sina Bogs Adornado, Danny Florencio, Atoy Co, Ramon Fernandez, Chip Engelland, Ricky Brown, Allan Caidic, Alvin Patrimonio, Jun Limpot, Vergel Meneses, Nelson Asaytono, Eric Menk, Mark Caguioa, James Yap at Mark Cardona.
Tumapos din siya na ikaapat sa two-point field-goals made at sa three-point shooting at ikatlo sa free throws para kilalanin bilang overall scoring winner.
Hinirang ang 6-foot-1 na si Romeo bilang Most Improved Player ngayong taon at napabilang sa Mythical Second Team.
Naging Most Valuable Player siya sa 2015 PBA All-Star Game sa Puerto Princesa, Palawan at pinangunahan ang Three-Point Shootout.
Naging myembro si Romeo ng Manila West Team na naghari sa Manila leg ng FIBA Asia 3-on-3 series.
Inungusan ni Romeo para sa top scoring honors sina 2013 FIBA Asia Mythical Five awardee Jayson Castro (18.04) ng Talk ‘N Text, back-to-back PBA MVP awardee June Mar Fajardo (17.41) ng San Miguel, Paul Lee (15.55) ng Rain or Shine, Ranidel de Ocampo (15.04) ng Talk ‘N Text, Greg Slaughter (14.84) ng Ginebra, Stanley Pringle (14.03) ng Globalport, Asi Taulava (13.86) ng NLEX, Gary David (13.05) ng Meralco at Calvin Abueva (12.88) ng Alaska.
- Latest