ATLANTA – Kagaya ng inaasahan, nakamit ng Hawks ang top seed sa Eastern Conference playoffs sa ikalawang pagkakataon sa kanilang franchise history.
Tumipa si DeMarre Carroll ng 24 points at dinomina ng Hawks ang Miami Heat, 99-86.
Ilang minuto matapos ito ay napasakamay ng Atlanta ang No. 1 spot sa Eastern Conference nang gibain ng Brooklyn Nets ang Cleveland Cavaliers, 106-98.
Bilang top seed ay nakamit ng Hawks ang home-court advantage sa conference playoffs.
“The goal will be make sure we’re in the best place we can be going into the playoffs,’’ sabi ni coach Mike Budenholzer.
Nagtala si point guard Dennis Schroeder ng 12 points at 11 assists, habang may 21 points si Paul Millsap at nagdagdag ng 11 si Al Horford para sa Hawks.
Umiskor naman si Luol Deng ng 17 points at 10 rebounds para pangunahan ang Heat, pang-pito sa Eastern Conference at nakahugot ng 13 points kay Dwyane Wade na nagbalik sa aksyon matapos magkaroon ng swollen left knee.
Sa Toronto, sinikwat ng Raptors ang Atlantic Division title sa ikatlong pagkakataon sa kanilang 20-year history.
Ito ay matapos nilang talunin ang Los Angeles Lakers, 94-83, sa likod ng 18 points ni Lou Williams at 19 markers ni Jonas Valanciunas.
Kumamada si James Johnson ng 17 points, habang may 11 si Amir Johnson at 10 si Terrence Ross para sa Raptors na tinapos ang kanilang two-game skid para biguin ang Lakers sa unang pagkakataon matapos noong Dec. 8, 2013.
Sa Houston, sinikwat ng Rockets ang isang playoff seat nang gibain ang Minnesota Timberwolves, 120-110.
Naglista si James Harden ng 33 points at 8 assists para pamunuan ang Houston.
Nag-ambag si Josh Smith ng 16 points, 9 rebounds at 11 assists at may 14 points si Trevor Ariza para sa Rockets.
Kumolekta naman si Dwight Howard ng 18 points sa kanyang ikalawang laro matapos magkaroon ng right knee injury.