MILWAUKEE--Nahirapan sa kaagahan ng season dahil sa mga injuries at pag-a-adjust sa kanilang bagong coaching staff, hindi pa naipapakita ni Ersan Ilyasova ang kanyang tunay na laro para sa Bucks.
Ngunit unti-unti ay nararamdaman na ng Bucks ang kahalagahan ni Ilyasova.
Kumamada si Ilyasova ng career-high 34 points para pangunahan ang Bucks sa 111-107 panalo laban sa Indiana Pacers.
“Sometimes, you have days like this,’’ wika ni Ilyasova.
Naimintis naman ni George Hill ang isang potensyal na 3-pointer sa huling mga segundo na siya sanang nagtabla sa Indiana papunta sa overtime.
Nagdagdag si Khris Middleton ng 17 points kasunod ang 16 ni Giannis Antetokounmpo para sa Bucks, nakamit ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos basagin ang six-game losing slump.
Nagtala si Ilyasova ng 12 of 14 fieldgoal shooting at naglista ng 5 of 6 sa 3-point range.
Umiskor naman si C.J. Miles ng 26 points, habang nagdagdag si Hill ng 24 at may 23 si C.J. Watson sa panig ng Pacers.
Naglaro ang Indiana na wala si forward David West na may allergic reaction.
Sa Houston, nagkaroon si Rockets starting guard Patrick Beverley ng torn ligament sa kanyang left wrist at mangangailangan ng pito hanggang 10 araw para madetermina kung kailangan niya ng season-ending surgery.
Si Beverley, nalasap ang nasabing injury sa panalo ng Houston laban sa Indiana Pacers, ang malaking bahagi ng hangarin ng Rockets na makamit ang Western Conference championship.
Siya ay magiging isang unrestricted free agent matapos ang season.