Laro SA LINGGO
2:30 p.m. – Philips Gold vs Shopinas
4:30 p.m. – Mane ‘N Tail vs Cignal
MANILA, Philippines - Nasilayan ang halaga ng baguhang si Rachel Ann Daquis para sa Petron Lady Blaze Spikers nang nakatulong ito sa 25-18, 26-24, 20-25, 25-19, panalo laban sa Foton Tornadoes sa 2015 Phi-lippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Si Daquis ay naghatid ng 11 puntos para makakuha ng dagdag-puwersa ang Lady Blaze Spikers tungo sa 2-0 baraha sa ligang inorganisa ng SportsCore at may ayuda pa ng Asic, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medcal.
“Siya ang nagbigay ng leadership sa team. Ang mga intangibles ay nakatulong din ng malaki sa team,” wika ni coach George Pascua kay Daquis na hindi nakasama sa unang laro laban sa Philips Gold na kanila ring tinalo sa straight sets.
Si Dindin Santiago-Manabat ay may 20 kills tungo sa 23 puntos habang sina Frances Molina at Aby Maraño ay may 14 at 10 puntos pa.
Ito ang unang pagkatalo matapos ang dalawang laro ng Tornadoes at ang rookie na si Nicole Tiamzon ay may 22 hits habang si Patty Orendain ay mayroong 21puntos.
Sinikap na itaas ng Foton ang morale nang makuha ang ikatlong set pero agad na bumalik ang Lady Blaze Spikers sa pagpunta sa kanilang mga spikers para makuha ang four-set panalo. (AT)