Nung sinabi ng Fil-Am thrower na si Caleb Stuart na kaya niyang mag-gold at maka-break ng record sa Southeast Asian Games na gagawin sa Singapore sa June, nagsasabi naman pala ng totoo ang mama.
Pinatunayan niya ito sa kanyang paglahok sa katatapos lamang na Philippine National Open-Invitational Athletics Championships.
Kayang-kaya nga talaga ni Stuart na maka-gold sa hammer throw at ‘di malayong makapagtala pa siya ng bagong SEA Games record matapos ang kanyang 64.81m gold medal performance sa National Open na malayo sa SEAG record na 62.23m.
Naka-gold din si Stuart sa discuss throw at shot put pero medyo alanganin pa ito sa SEA Games.
Sa June pa naman ang SEA Games, puwede pang mag-improve si Stuart. Kung makakasali siya sa tatlong event na naka-gold siya sa National Open, puwedeng higit pa sa isang medalya ang maaari niyang ibigay sa Pinas sa SEAG.
Huwag lang mamalasin at magkaroon ng injury o anumang aberya, dagdag puwersa si Stuart sa ipadadalang koponan ng Phil. Amateur track and Field Association (PATAFA) ni president Philip Juico.
Mayron pa bang ibang Fil-Am na katulad ni Stuart na puwede nating asahan?