Cafe France, Jumbo Plastic nakabawi

MANILA, Philippines – Nakitaan ng tibay sa huli ang Café France Bakers at Jumbo Plastic Giants para makabangon agad mula sa pagkatalo sa unang laro sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Tumipa ang starter na si Maverick Ahanmisi ng 16 puntos habang may 15 ang off-the-bench na si Miguel Noble para sa balanseng pag-atake ng Bakers tungo sa 68-62 panalo sa Tanduay Light Rhum Masters.

Nakatulong din ang 12 triples ng Bakers at ang huli ay hatid ni Alvin Abundo na maisantabi ang pagdikit ng Rhum Masters mula sa 15 puntos na pagkakalubog tungo sa 62-65 iskor.

May 1-1 karta na ang tropa ni coach Edgar Macaraya at naisantabi nila ang 85-86 pagkatalo sa Cebuana Lhuillier Gems.

“After our loss, everybody is saying that we are a choke team. So I challenge the players to show their worth,”wika ni Macaraya.

Si Aljon Mariano ay may 22 puntos pero siya lang ang naka-double-digit sa Tanduay tungo sa 1-1 baraha.

Hindi rin nagpaawat ang Giants nang gulatin ang bagong bihis na Hapee Fresh Fighters, 64-61.

Tumayong bida para sa Jumbo Plastic si Jaymo Eguilos na nakuha ang bolang napakawalan ni Earl Scottie Thompson bago isinalpak ang dalawang free throws tungo sa panalo.

Nangapa sa porma ang Aspirants’ Cup champion Fresh Fighters dahil nawala na sa koponan ang mga San Beda players sa pangunguna ni Ola Adeogun dahil magsisimula na ang paghahanda para sa 91st NCAA season.

Bukod pa ito sa pa-unti-unting pagbalik sa dating mabangis na porma ni Bobby Ray Parks Jr. na may isang puntos lamang.

Si Parks ay nabalian ng kanang balikat sa Game Two sa championship noong nakalipas na conference.

“I thought this is the best time for us to win against them because they are still adjusting with the new players,” wika ni Giants coach Stevenson Tiu na humugot ng tig-14 puntos nina Glenn Khobuntin at Juami Tiongson. (AT)

Show comments