STA. CRUZ, Laguna, Philippines – Kinumpleto ni Fil-American Caleb Stuart ang magandang ipinakita sa kauna-una-hang paglalaro sa Pilipinas nang nanalo pa sa discus throw sa pagtatapos ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex dito.
Umabot sa 13 ang naglaban at sapat ang naihagis ni Stuart na 48.17m sa ikaanim at huling attempt para manalo.
Ang unang bato na nasukat sa 42.72m ay sapat na rin para makamit ang ikatlong ginto matapos mangiba-baw sa shot put at hammer throw dahil ang pumangalawa na si Sean Santamina ay nagtala lamang ng 40.87m marka.
“I’m happy with the results and it was a great experience,” wika ng 24-anyos na si Stuart na gusto na ring sumali sa tatlong events sa Singapore SEA Games. “I’m going to talk to the officials for me to get in these three events. Obviously, I’m gonna train as hard as I can to get all three medals for the Philippines.”
Sa hammer throw lamang nakakatiyak ng ginto si Stuart dahil ang kanyang naitala sa event sa apat na araw na kompetisyong inorganisa ng PATAFA at suportado ni Laguna Governor Ramil Hernandez na 64.81m ay higit sa SEAG record na 62.23m.
Ang kanyang marka sa shot put ay 16.52m at ito ay kapos sa 2013 Myanmar SEAG bronze medal record na 16.85m habang ang 48.17m sa discus ay malayo rin sa 51.96m na naabot ng pumangatlo sa Myanmar Games.
“When I go back (Marso 24), I will talk with my coach to help me and I will keep on working,” garantiya pa ng Fil-Am thrower.
Hindi rin nagawang higitan ni Ernest John Obiena ang Philippine record sa pole vault na 5.20m nang nakapagtala lamang ng mababang 5m marka dahil malambot na ang ginagamit na pole.
“Kailangan ko ngayon ang matigas at mas mahabang pole. Kasi kapag mabilis at makalas ang dating, hindi kaka-yanin ng malambot ng pole para tumaas ang talon mo,” wika ni Obiena.
Bago ang Open ay sumali muna ang 19-anyos na si Obiena sa Chinese Taipei Indoor Pole Vault Championship at nakapagtala siya ng 5.15 meters.
Naihanay ni Christian Archand Bagsit ang sarili bilang isang double-gold medalist nang pagharian pa ang 200m (21.72) para isama sa ginto sa 400m run.
Sinelyuhan din ni Melvin Guarte ang pagiging hari sa 1,500-meter run nang isumite ang pinakamabilis na oras na 3:54.58. (AT)