MANILA, Philippines – Mas malaki pa sa panukala ni Manny Pacquiao na drug testing penalty ang kanilang malalasap ni Floyd Mayweather, Jr. sakaling maging positibo sila sa paggamit ng banned substance.
Ito ang pahayag ni Travis Tygart, ang chief executive ng United States Anti-Doping Agency (USADA), kaugnay sa magiging potensyal na career-ending ban kina Pacquiao at Mayweather.
“If there’s a positive test prior to the fight, the penalty for the fighter who violates it is going to be a lot higher than $5 million,” wika ni Tygart.
Ang sinuman kina Pacquiao at Mayweather ang magiging positibo sa paggamit ng banned substance ay agad na ipagbibigay alam ng USADA ang resulta sa Nevada Athletic Commission.
Ang commission at ang anti-doping agency ang gagawa ng disciplinary action.
Isang four-year ban ang haharapin ng sinuman sa 36-anyos na si Pacquiao at sa 38-anyos na si Mayweather kung magiging positibo sa paggamit ng banned substance.
“They signed on to the sanctioning process that is clearly spelled out,” wika ni Tygart. “It’s a contract that would be enforceable against them.”
Sa kanilang fight contract ay nakasaad ang pagsailalim ng da-lawa sa full drug testing na pamamahalaan ng USADA.
Ipinanukala ni Pacquiao ang naturang drug testing penalty na $5 milyon para tiyakin na wala sa kanilang dalawa ni Mayweather na gumagamit ng performance-enhancing substances kagaya ng testosterone, Human Growth Hormone at ener-gy-boosting EPO.
Kamakailan ay tinanggihan ni Mayweather ang naturang panukala na hindi kasama sa official term sheet ng kanilang laban ni Pacquiao. (RC)