Pinoy archers tandem naka-gold sa Asia Cup
MANILA, Philippines - Tinalo ng top-seed na pares nina Amaya Paz Cojuangco at Jeff Adriano ang tambalan nina Surekha Venam at Vikas Rajan ng India sa dramatikong finale, 155-153 para makopo ang gold medal sa compound mixed team ng 2015 Asia Cup first stage noong Huwebes sa Bangkok, Thailand.
Tabla pa ang iskor sa 115-all at may apat na pana pa ang natitira, hindi kinabahan sina Cojuangco at Adriano para umiskor ng apat na 10s upang talunin ang mga Indians na nagbigay sa Filipino contingent ng magandang simula sa world-ranking tourney.
Tinapos ni Cojuangco ang walong taong paghihintay ng gold sa Asian Cup sa pagkopo ng kanyang ikalimang gintong medalya habang una ito ni Adriano.
Ang mga beteranong sina Cojuangco at Adriano ay tinutukan ng mga kalaban matapos pangunahan ang qualification phase sa naitalang 1,387 points bago dispatsahin ang mga nakalaban sa knockout stages.
Una nilang sinibak ang mga Chinese na sina Chen Na at He Ying sa Last-16, 151-142 bago sinilat ang mga Asian Games champopn na sina Ebadi Esmail at Maryam Rannansari ng Iran sa quarterfinals, 156-153 at nagtala ng record na 157 laban sa Malaysian pair na sina Nor Rizha Ishak at Muhammad Mahazan sa semis.
Ang lahok ng Pinas sa recurve mixed team event na sina Olympian Rachel Cabral dela Cruz at Florante Matan ay tumapos sa fourth place.
- Latest