MANILA, Philippines - Sa isang bahagi ng second period ay inihagis ni head coach Yeng Guiao ang white board para igiit ang gusto niyang mangyaring estratehiya.
Malinaw namang nakuha ng Elasto Painters ang instructions ni Guiao.
Humulagpos ang Rain or Shine mula sa eight-point deficit sa second quarter para pabagsakin ang talsik nang Blackwater, 102-98 at patibayin ang kanilang pag-asa para sa Top Two seat sa quarterfinals ng 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si import Wayne Chism ng 30 points, 13 rebounds at 4 assists para sa ikalawang sunod na ratsada ng Elasto Painters habang nagdagdag si Paul Lee ng 14 markers kasunod ang 11 ni Beau Belga at 10 ni Chris Tiu.
Nakisosyo sa liderato ang Rain or Shine sa nagdedepensang Purefoods at Talk ‘N Text sa magkakatulad nilang 7-3 record.
Kung magtatapos na may magkakaparehong 8-3 baraha ang Elasto Painters, Tropang Texters at Hotshots, ang Rain or Shine at Talk ‘N Text ang kukuha sa Top Two seats na may kasamang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals bunga ng mas mataas na quotient.
“We still don’t have total control of our destiny. We still have to win on Sunday,” sabi ni Guiao sa pagsagupa nila sa Kia Carnival.
Tuluyang sinelyuhan ng Elasto Painters ang kanilang panalo matapos ang three-point shot ni Jonathan Uyloan para sa 98-84 abante sa huling 4:27 minuto ng final canto.
“We just took advantage of our import playing fresher,” sabi ni Guiao. “Our luxury is we are able to rotate our people. We were able to break in our injured players like (Jeric) Teng, (TY) Tang and Jericho Cruz.”
Binanderahan ni naturalized center Marcus Douthit ang Elite, natikman ang kanilang pangalawang sunod na kabiguan, sa kanyang 34 points, 19 boards at 8 assists. (RCadayona)
RAIN OR SHINE 102 - Chism 30, Lee 14, Belga 11, Tiu 10, Norwood 8, Tang 6, Quiñahan 5, Cruz Jericho 4, Almazan 4, Uyloan 3, Ibañes 2, Araña 2, Cruz Jervy 2, Chan 1, Teng 0.
Blackwater 98 - Douthit 34, Acuna 20, Heruela 15, Gamalinda 11, Reyes 6, Faundo 4, Canada 2, Rodriguez 2, Celiz 2, Bulawan 2, Erram 0, Ballesteros 0, Laure 0.
Quarterscores: 18-20; 46-41; 78-65; 102-98.