Dating Purefoods import nanindigan sa sinabi laban kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Mula sa boxing hanggang sa basketball ay may kinalaman sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa isa’t isa.
Hinugot ng Grand Rapids Drive ng NBA Developmental League si dating Purefoods import Daniel Orton bilang pinakabago nilang miyembro.
Ang naturang koponan ay tinatangkilik ni Mayweather na tubong Grand Rapids.
Noong Pebrero ay sinibak ng Hotshots ang 6-foot-9 na si Orton matapos nitong bastusin ang Philippine Basketball Association at ang paglalaro ni Pacquiao, ang playing coach ng Kia Carnival sa liga.
“He’s a terrible basketball player. Professional Boxer? Yeah. But professional basketball player? It’s a joke,” sabi ni Orton kay Pacquiao kasabay ng pambabastos sa PBA na nagresulta sa kanyang pagkakasibak at pagmumulta ng P250,000.
Hanggang ngayon ay naninindigan pa rin si Orton sa kanyang pahayag.
“I feel like I wasn’t wrong in what I said,” wika ni Orton. “I know I upset the whole country but I wasn’t wrong in what I said.”
Idinagdag ni Orton na ang paglalaro ni Pacquiao sa PBA ay pambabastos sa mga players na nagtiyaga mula sa high school hanggang amateur ranks.
“My message was to not disrespect the game I know and love. I feel like that’s what it was. Disrespect more than anything,” ani Orton.
Si Orton, produkto ng Kentucky at ang first round draft pick ng Orlando Magic, ay ang magiging starting center para sa Grand Rapids Drive.
- Latest