AMA, Cebuana, Keramix gustong maka-2-sunod
MANILA, Philippines – Ikalawang sunod na panalo na magbibigay daan upang manatiling nasa unahan ang pakay ng AMA University Titans, Cebuana Lhuillier Gems at KeraMix Mixers sa PBA D-League Foundation Cup nga-yon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Masusukat ang kalidad ng Titans dahil katapat nila ang Cagayan Rising Suns sa unang laro sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Galing ang Titans sa 88-81 panalo laban sa baguhang koponan na ATC Liver Marin-San Sebastian College at dapat na magpatuloy ang naunang magandang panimula nina Jeremy King at Jay-R Taganas para maigupo ang hamon ng Rising Suns na puma-ngalawa sa Aspirants’ Cup.
Si King ay gumawa ng 24 puntos habang si Taganas ay may 19 puntos at 19 rebounds sa naunang laro.
Katipan ng Gems ang MP Hotel Warriors dakong alas-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng Liver Marin at Mixers dakong alas-4 ng hapon.
Matapos malusutan ang Café France Bakers, 86-85, inaasahang mada-ling magagapi ng Gems ang Warriors na inilampaso ng Mixers, 87-60.
Si Moala Tautuaa na gumawa ng 34 puntos sa unang paglalaro sa Gems ang magdadala uli sa koponan ni coach David Zamar.
“We may be strong on paper but we have to prove it on the court,” wika ni Zamar.
Patok din ang Mixers pero hindi sila puwedeng magkumpiyansa sa Liver Marin na determinado na bigyan ng panalo ang koponang hawak ni rookie coach Rodney Santos. (AT)
- Latest