MANILA, Philippines – Umiskor lamang ng 8 points si NBA veteran Al Thornton sa first half para sa matamlay na simula ng NLEX ngunit sa second half ay hindi na siya napigilan ng Kia para magtapos na may 33 points, habang nagdag-dag si Jonas Villanueva ng 20 markers, 5 assists at 4 steals para pangunahan ang Road Warriors sa 102-86 pagresbak sa Carnival sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang pang-limang sunod na panalo ng NLEX patungo sa eight-team quarterfinal round.
“We had a bad first half. The effort was not there. But we did well in the second half, especially on defense,” sabi ni Road Warriors’ head coach Boyet Fernandez sa 27-38 pagkakabaon nila sa Carnival sa second quarter bago nailista ang 80-73 kalamangan sa 8:25 minuto ng final canto.
Sa likod nina 7-foot-4 import PJ Ramos, Leo Avenido at Reil Cervantes ay nakalapit ang Kia sa 78-80 agwat sa 6:15 minuto ng laro.
Ngunit isang 15-4 atake ang inilunsad nina Thornton at Jonas Villanueva para muling ilayo ang NLEX sa 95-82 sa huling 2:11 minuto ng sagupaan.
Bagama’t wala nang tsansa para sa No. 1 at No. 2 berth na magbibigay sa kanila ng ‘twice-to-beat’ incentive, nakaiwas naman ang Road Warriors na mahulog sa No. 7 at No. 8 spot sa quarterfinals.
Samantala, pinatawan ng PBA Commissioner’s Office si Guiao ng kabuuang multang P22,400 matapos ang kanilang 114-129 kabiguan sa San Miguel noong Marso 13.
Ang P20,000 ay dahil sa pagbalya ni Guiao sa likuran ni Beermen import Arizona Reid, habang ang P2,400 ay para sa ikalawa at ikatlong technical fouls ng Pampanga Congressman ngayong komperensya.
Umiskor naman si Ramos ng 41 points sa panig ng Carnival kasunod ang 8 ni Cervantes.
NLEX 102 - Thornton 33, Villanueva J. 20, Cardona 16, Lingganay 12, Taulava 10, Villanueva E. 4, Borboran 4, Canaleta 3, Raymundo 0, Camson 0, Ramos 0, Arboleda H. 0.
KIA 86 - Ramos 41, Cervantes 8, Buensuceso 7, Cawaling 6, Revilla 6, Avenido 6, Dehesa 5, Poligrates 3, Thiele 2, Yee 2, Alvarez 0, Pascual 0.
Quarterscores: 16-22, 36-45, 69-72, 102-86.