Belga pinagmulta ng P70K

MANILA, Philippines - Pinagmulta ng PBA Commissioner’s Office ng P70,000.00 si Beau Belga dahil sa hindi magandang inasal sa laro ng Rain Or Shine Elasto Painters laban sa Barangay Ginebra noong Linggo.

Umabot sa P40,000.00 ang fine ng 6’6” center dahil sa pambubuska sa Gin Kings fanatics habang tig-P10,000.00 ang kabayaran sa pananakit nito kina Mark Caguiao, Eman Monfort at Chris Ellis.

Hindi rin nakalusot ang isa pang sentro ng Elasto Painters na si Raymond Almazan na pinagbayad din ng P40,000.00 dahil sa ginawang ‘dirty finger’ sa mga tagahanga ng Ginebra.

Ang backup center ng Ginebra na si Dorian Pena ay may fine na P10,000.00 bunga ng flagrant foul penalty one kay Almazan.

Ipinatawag ni Commissioner Atty. Chito Salud ang mga manlalarong nabanggit para pagpaliwanagin sa kanilang ginawa at matapos nito ay nagdesisyon agad.

Ikinatuwiran ni Salud na hindi makatuwiran ang ginawa nina Belga at Almazan na patulan ang mga fans dahil ang mga ito ang siyang bumubuhay sa pro league.

“Let it be stressed that the fans are the lifeblood of the league,” wika ni Salud. “There is absolutely no excuse for any player to engage the fans in a hostile and provocative manner.”

Kahit ang mga referees ay hindi pinalusot ni Salud na kanyang pinagsabihan dahil hindi nila nakontrol ang laro kaya nauwi sa pisikalan.

May ilang flagrant fouls din ang hindi naitawag na hindi nagustuhan ng PBA officer.

“The referees were reprimanded and directed to be move vigilant of dirty and hurtful play which may escape attention in real time,” dagdag nito.

Naniniwala si Salud na magsisilbing aral ito sa lahat lalo pa’t ang liga ay papasok na sa mahalagang yugto ng kompetis-yon. (AT)

Show comments