MANILA, Philippines – Namayagpag ang kabayong Low Profile sa idinaos na Manila Horsepower Org-Philracom Cup noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Mark Alvarez pa rin ang hinete ng kabayo at walang naging problema ang tambalan sa 1,600-metrong karera dahil kontrolado ng Low Profile ang labanan mula sa simula hanggang sa natapos ang bakbakan.
Umabot sa P500,000.00 ang premyong pinaglabanan sa karera na magkatuwang na itinaguyod ng Manila Horsepower Org at Philippine Racing Commission (Philracom) at halagang P300,000.00 ang naibigay ng winning horse sa kanyang connections.
Apat lamang ang naglaban sa tampok na karera dahil scratch ang War Bird at ang nagsikap na bigyan ng hamon sa Low Profile ay ang Strong Champion na ginabayan ngayon ni Jessie Guce.
Ang nasabing kabayo ang second choice kasunod ng Low Profile sa karera dahil nagkampeon ito sa isinagawang Imported/Local Stakes race noong Pebrero 15.
Nakasunod ang Strong Champion hanggang sa kalagitnaan ng karera bago unti-unting pinalabas ni Alvarez ang tulin ng Low Profile.
Sa rekta ay lalo pang umarangkada ang kabayo na nanalo ng hindi ginagamitan ni Alvarez ng latigo.
Nakaungos pa ang Hot And Spicy sa pagdiskarte ni JB Cordova para sa ikalawang puwesto habang ang Kaiserslautern ni Pat Dilema ang pumang-apat sa datingan.
Ikatlong sunod na panalo ito ng Low Profile na naghatid ng P10.00 sa win habang ang 2-5 forecast ay may P23.50 dibidendo. Nakuha rin ang milyong pisong dibidendo sa ikalawang Winner-Take-All.
Tinamaan ng masuwerteng mananaya ang P1,120,112.20 dibidendo nang nakuha ang kumbinasyong 2-5-8-8-8-5-9.
Sa pagbabalik ng pista sa Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay may carry-over na P2,152,371.05 dibidendo nang hindi tamaan ang unang WTA na binuo ng kumbinasyong 10-5-2-(2,4)-2-5-8. (AT)