MANILA, Philippines – Bago pa man magkaroon ng hip injury si import Josh Davis sa kanilang out-of-town game ng San Miguel ay nakatutok na ang Meralco sa top two seat sa quarterfinal round.
Dalawang sunod na kamalasan ang nalasap ng Bolts matapos ang 5-0 panimula bunga ng injury ni Davis.
Sa pagbabalik sa porma ng 6-foot-8 na si Davis ay tinapos ng Meralco ang kanilang pagbulusok matapos talunin ang Barako Bull, 98-85 noong nakaraang Miyerkules para muling solohin ang liderato ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
“It’s nice to have Josh Davis back and 100-percent. His activity and ener-gy made difference for this game,” sabi ni head coach Norman Black kay Davis na humakot ng 32 points at 19 rebounds laban sa Energy.
Hangad na makalapit sa top two para makuha ang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals, lalabanan ng Bolts ang Alaska Aces ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“We really want to get to where we were before Josh got hurt,” wika ni Black.
Bukod kay Davis, mu-ling aasahan ng Meralco sina Gary David, Cliff Hodge, Reynel Hugnatan at Jared Dillinger katapat sina import Damion James, Cyrus Baguio, Calvin Abueva, Sonny Thoss at Vic Manuel ng Alaska.
Hangad ng Aces na masundan ang kanilang 82-68 paggupo sa Blackwater Elite noong nakaraang Miyerkules para palakasin ang kanilang tsansa sa eight-team quarterfinals cast.
Sa unang laro sa alas-4:15 ng hapon ay sisikapin ng nagdedepensang Purefoods na makalapit sa top two berth sa pagsagupa sa Barako Bull.
Nanggaling ang Hotshots sa malaking 118-117 triple overtime win laban sa Tropang Texters noong Sabado sa Davao City.
Sa naturang panalo ay isinalpak ni import Denzel Bowles ang kanyang off-balance jumper sa natitirang 7.1 segundo para sa ikalawang sunod na ratsada ng Purefoods.