MANILA, Philippines – Makikita ngayon ang nakumpletong Cebuana Lhuilllier Gems sa pagharap sa Café France Bakers sa PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym, Cubao, Quezon City.
Umabot sa semifinals pero nasibak sa kamay ng Cagayan Rising Suns sa Aspirants’ Cup, itinuturing ngayon ang Gems bilang team-to-beat dahil nakuha nila ang 6’7” Fil-Tongan na si Moala Tautuaa.
Si Tautuaa na naunang naglaro sa Rising Suns ay magbibigay ng puwersa sa ilalim bukod pa sa kakayahan nitong umiskor sa labas para mas lumalim ang pagkukuhanan ng puntos ng tropa ni coach David Zamar.
“He is a great addition because he will fill up the spot we lack last conference,” wika ni Zamar.
Hindi naman agad nagsasabi si Zamar na kanila na ang titulo lalo pa’t kailangan pa niyang makita kung paano makakapag-jell ang kanyang mga players.
“We are taking it one game at a time, step by step,” dagdag ng beteranong coach.
Ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon matutunghayan ang bakbakan at ang Bakers ay magnanais din na buksan sa panalo ang kampanya.
Gumawa ng franchise record ang koponan sa nakalipas na conference nang makapasok sa unang pagkakataon sa semifinals pero minalas na makatapat ang Hapee Fresh Fighters para agad ding mamahinga.
“Kung hindi magbabago ang laro na ipinakita namin last, conference, tingin ko ay maganda rin ang aming ipakikita,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya.
Unang laro sa ganap na alauna ng hapon ay sa pagitan ng Jumbo Plastic Giants at Tanduay Light Rhum Masters at mag-uunahan sila na saluhan ang AMA University Titans at Keramix Mixers na nagwagi sa pagbubukas ng liga noong Huwebes.
Hinugot ng Giants ang 6’5” center na si Joseph Ga-bayni bukod pa kina Tristan Perez, Jawhar Purdy at Glenn Khobuntin para tumibay ang hangaring mahigitan ang quarterfinals na tinapos sa nakaraang conference. (AT)