MANILA, Philippines – Kung ngayon na gagawin ang Singapore SEA Games ay tiyak na ang gintong medalya sa men’s hammer throw event.
Sinelyuhan ni Fil-Am Caleb Stuart ang pagiging man-to-beat sa kompetisyon nang ilayo pa ang personal best sa SEA Games record na hawak ni Tantipong Phetchaiya ng Thailand na nasa 62.23 metro at ginawa noong 2013 Myanmar edition.
Lampas na ang da-ting personal best ni Stuart na 67.24m na itinala noon pang Marso 28, 2014, lalo pang na-ging mabangis ang marka ng 6’2”, 250-pound thrower nang makagawa ng 68.66m tungo sa gintong medalya sa Ben Brown Invitational noong Biyernes sa Los Angeles.
Isa si Stuart sa balak bitbitin ng PATAFA sa pa-ngunguna ng pangulong si Philip Ella Juico sa SEAG at inaasahang walang magiging problema ito dahil ang nakababatang kapatid na si Morgan ay naisuot na ang uniporme ng bansa sa women’s softball noong 2014 Incheon Asian Games.
Hindi lamang sa hammer throw puwedeng maasahan si Stuart dahil ang kanyang personal best sa shotput ay nasa 17.88m at lampas din sa SEA Games record 17.74m na ginawa ng isa pang Thai athlete na si Chatchawal Polyjam.
Si Stuart ay darating sa bansa at ipakikita ang galing sa paglahok sa Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex, Sta. Cruz Laguna mula Marso 19 hanggang 22.
Ang kakayahang maghatid ng dalawang ginto ni Stuart ay magpapatibay sa hangarin ng PATAFA na manalo ng hindi bababa sa walong ginto.
Matatandaan na nanalo ng anim na ginto ang Pilipinas sa 2013 SEAG na hatid nina Henry Dagmil (long jump), Jesson Ramil Cid (decathlon), Archand Bagsit (400m), Christopher Ulboc (3,000m steeplechase), Fil-Am Eric Cray (400m hurdles) at ang tropa nina Isidro del Prado Jr., Edgardo Alejan Jr., Julius Nierras at Bagsit (4x400m relay).
Ang mga nabanggit ay babalik sa Singapore para idepensa ang kanilang mga titulo. (AT)