D-League Foundation Cup lalarga ngayon

Laro Ngayon (Ynares Sports Arena, Pasig City)

1 p.m. – AMA University vs Liver Marin-San Sebastian

3 p.m. – KeraMix vs MP Hotel

MANILA, Philippines – Magkakaroon ng magandang panimula sa PBA D-League Foundation Cup ang puntirya ng apat na koponan na magsasagupa sa pagbubukas ng liga ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Unang magtatagpo ang AMA University Titans at baguhang Liver Marin-San Sebastian sa ganap na alauna ng hapon bago sundan ng pagkikita ng KeraMix Mixers (dating Racal Motors) at MP Hotel Warriors dakong alas-3 ng hapon.

Sampung koponan ang magsusukatan sa ikalawang conference ng PBA D-League at ang mangu-ngunang anim na koponan,  matapos ang single round elimination ang aabante kung saan ang top two teams ang siyang uusad agad sa semifinals.

Tiyak na magiging kapana-panabik ang labanan dahil lahat ay nagpalakas para magkaroon ng tsansang manalo ng titulo.

Bagama’t baguhan, ang Liver Marin ay kakatampukan ng siyam na manlalaro ng San Sebastian at gagabayan ng multi-titled player na si Rodney Santos.

Sina Jovit dela Cruz, Leo de Vera, Bradwyn Guinto at Jamil Ortuoste ay magsasama-sama uli para pamunuan ang Liver Marin sa kanilang unang panalo.

“Mas beterano ang AMA dahil matagal na sila sa liga pero we will be there to compete. I have a gut feeling na mananalo kami. I have to have full faith in my players,” wika ni Santos.

Maging ang Mixers ay sabik na sabik nang ipakita ang bagong lakas sa pagdadala pa rin ng coach na si Caloy Garcia.

Kinuha ng koponan sina national training pool player Jiovani Jalalon bukod pa kina Roberto Bartolo Jr., Billy Robles, Luis Sinco at Jach Nichols para isama sa mga dating kamador sa pangunguna nina Keith Agovida, Jamil Gabawan at Reneford Ruaya.

Ang iba pang kasali ay ang Aspirants’ Cup champion Hapee Fresh Fighters, Cagayan Rising Suns, Café France Bakers, Cebuana Lhuillier Gems, Jumbo Plastic Giants at Tanduay Light Rhum Masters.

Show comments