Westbrook triple-double uli

OKLAHOMA CITY – Patuloy ang pagdodomina ni Russell Westbrook kahit ang katapat niya ay kapwa niya All-Star player.

Ipinoste ng dynamic point guard ng Oklahoma City ang kanyang ikalimang triple-double sa huling anim na laro upang tulungan ang Thunder na igupo ang Toronto Raptors 108-104 nitong Linggo ng gabi.

Nagtala ang NBA leading scorer ng 30 points, 17 assists at 11 rebounds para sa kanyang ikapitong triple-double ngayong season at ika-15 sa kanyang career.

Ginawa niya ito bagama’t katapatan niya si Kyle Lowry, ang starting point guard para sa Eastern Conference All-Stars.

“He’s playing unbelievable basketball right now,’’ sabi ni Lowry, tumapos ng 14 points sa 5-for-15 shooting. “The man is unbelievable  and he’s pretty much carrying their team right now.’’

Sinabi ni Westbrook, ang All-Star MVP at reigning Western Conference player of the month, na alam niya kung gaano ka-espesyal ang triple-doubles.

“It crosses my mind when we win, which is the most important thing,’’ aniya.

Si Enes Kanter ay may 21 points at 12 rebounds habang si Serge Ibaka ay may 21 points at five blocks para sa Thunder, nanatiling nagsosolo sa eighth place sa Western Conference standings.

Sa San Antonio, hindi naman nakapuntos si Tim Duncan sa unang pagkakataon sa makulay na 18 taong paglalaro sa NBA pero nagawa pa rin ng San Antonio Spurs na manalo sa Chicago Bulls, 116-105.

 

Show comments