MANILA, Philippines – Anuman ang maging resulta ng super fight nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. ay hindi pa rin magreretiro ang Filipino world eight-division champion.
Ito ang paniniwala ng kanyang chief trainer na si Freddie Roach.
“I don’t think so because he’s so good at boxing and still loves to do it,” wika ni Roach sa panayam ng USA Today.
Mas naging abala si Pacquiao matapos maging playing coach ng Kia Carnival sa PBA bukod pa sa pagiging Congressman ng Sarangani.
Ilang beses na ring sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na magiging mahusay na Presidente ng Pilipinas si Pacquiao sakaling magdesisyon itong kumandidato.
Kinatigan naman ito ni Roach.
“I think he wants to (eventually) become the president of his country, and I think he’ll be old enough in a couple of years,” sabi ni Roach.
Ang 55-anyos na si Roach ay kasalukuyang nasa Macau, China para sa paghahamon ni Chinese two-time Olympic gold medalist Zou Shiming kay IBF ‘World’ flyweight king Amnat Ruenrong ng Thailand.
Matapos ang laban ay agad na didiretso si Roach sa kanyang Wild Card Boxing Club sa Hollywood, California para sa training camp ni Pacquiao.
Ayon kay Roach, nararamdaman ni Mayweather ang pressure dahil sa hangarin nitong mapanatiling malinis ang kanyang 47-0-0 win-loss-draw ring record, kasama dito ang 26 knockouts.
“So yes, we do feel more pressure than usual. But I think the real pressure is on Floyd,” ani Roach sa 38-anyos na American fighter na hindi pa nakakatikim ng pagkatalo sa kanyang 47 laban.
“That “0” means more to him than anything. It’s his identity. And the further along he goes with each fight, the heavier the pressure is on him,” dagdag ni Roach sa dinadalang pressure ng American world five-division titlist.