MANILA, Philippines - Tiyak na mahihirapan ang Philippine team matapos mahanay sa mabigat na grupo sa Asian U-23 Women’s Volleyball Championship na hahataw sa Mayo 1-9 sa Cuneta Astrodome.
Sa drawing of lots kahapon, awtomatikong isinama ang host country sa Group A na kinabibilangan ng Kazakhstan at Iran sa pioneer tournament na nagtaya ng tiket para sa FIVB World U24 Women’s Championship sa Ankara, Turkey sa susunod na taon.
Ang China, nagreyna sa 17th Asian Women’s U-20 Volleyball Championship, ang makakasama ng India at Macau sa Group B, habang ang Japan, Chinese Taipei at Maldives ang kukumpleto sa Group C at magsasama sa Group D ang Southeast Asian superpower Thailand, South Korea at Uzbekistan.
Si Asian Volleyball Confederation (AVC) Zonal Executive Vice President Shanrit Wongprasert ang namahala sa seremonya kasama sina AVC development and marketing director Ramon “Tats” Suzara at Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) president Joey Romasanta, nangakong isasabak ang pinakamahuhusay at batikang mga players sa torneo.
Wala pang mga pangalan na binanggit na bubuo sa national team dahil ang karamihan sa mga players sa 20-man pool ay kasalukuyang naglalaro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Si National University coach Roger Gorayeb ang gagabay sa national squad katuwang si University of Perpetual Help Dalta System mentor Sammy Acaylar.
“Rest assured that we will be sending our best players,” sabi ni Roma-santa matapos kilalanin ni Wongprasert ang LVPI.
“I have already seen the list prepared by Roger and Sammy and all the big names in collegiate volleyball are there. We’re really looking forward to a successful hosting of this tournament.”
Sinabi naman ni Suzara, ang dating Philippine Amateur Volleyball Association secretary-general at kasalukuyang Philippine Superliga president, na maaaring mahirapan ang koponan sa maikling panahon na gagawing pagsasanay para sa torneo.