MANILA, Philippines - Tinapos ni Asian Volleyball Confederation (AVC) secretary-general Shanrit Wongprasert ng Thailand ang usapin sa kung sino sa Larong Volleyball sa Pilipinas (LVP) at Philippine Volleyball Federation (PVF) ang dapat na mangasiwa sa volleyball sa bansa.
Ayon kay Wongprasert, kailangang sundin ng AVC at kahit ng international volleyball federation na FIVB ang Olympic Charter na nagsasaad na ang may pinal na desisyon sa kung sino ang dapat kilalanin bilang kanilang miyembro ay kung sino ang binasbasan ng National Olympic Committee (NOC).
“I have very good friends in the old board and new board. But I have to work with the AVC. We have to res-pect the NOC decision because this is the charter of the IOC,” wika ni Wongprasert.
Binuwag ang PVF at itinatag ang LVP pero umaalma ang mga opisyal ng PVF dahil wala umano silang problema at sad-yang binuwag lamang para makapagtayo ng bagong samahan at maglagay ng bagong opisyales.
Pero nilinaw ni Wongprasert na hindi puwedeng makialam ang AVC at FIVB sa mga problemang internal ng isang kasaping asosasyon at ang pinahihintulutan na magdesisyon dito ay ang NOC na sa problemang ito ay ang Philippine Olympic Committee (POC).
“We cannot get involved with internal problem. We only have to follow the NOC’s decision,” dagdag nito.
Umaasa ang AVC official na matatapos ang usapin patungkol sa dalawang pederasyon sa Pilipinas at maisusulong na uli ng bansa ang tangkang pagbawi sa taguri bilang isa sa mga hina-hangaang bansa sa volleyball sa rehiyon. (AT)