PUERTO PRINCESA, Philippines – Pipiliting kumbinsihin ng PBA board of governors si Commissioner Chito Salud na manatili sa kanyang puwesto kasabay ng pagha-hanap ng deputy commissioner na tutulong sa pagpapalakad ng liga na magpapagaang sa kanyang trabaho.
Ito ang isa sa mga panukala na tatalakayin ng PBA board sa kanilang pulong ngayong hapon sa Aziza Hotel sa gitna ng 26th PBA All-Star festivities.
Ang main agenda ay ang pagsasapropesyunal ng liga kung saan ang Commissioner ang magiging chief executive officer at ang deputy commissioner ang chief operating officer. Ang mga department heads ang siya namang mag-uulat sa commissioner.
Magiging magaang ang trabaho ng Commissioner dahil ang deputy commissioner ang susunod sa mga laro.
“The governors have been advised of this proposed new structure of the league. The governors have sounded off to the team owners the proposal, and the board meets again to fine-tune and possibly finalize the reorganization,” sabi ng source.
Sina board chairman Patrick Gregorio ng Talk ‘N Text, Rene Pardo ng Purefoods at Mamerto Mondra-gon ng Rain or Shine ang bumubuo sa special committee na nag-aaral sa pagbabago sa PBA structure.
Dadalo rin sa pulong sina Rod Claudio ng NLEX, Ryan Gregorio ng Meralco, Alfrancis Chua ng Barangay Ginebra, Gie Abanilla ng San Miguel Beer, Erick Arejola ng Globalport, Dickie Bachmann ng Alaska Milk, Manny Alvarez ng Barako Bull, Ginia Domingo ng Kia at Dioceldo Sy ng Blackwater.