MANILA, Philippines - Naipakita ng Thunder Ribbon ang kakayahan na manalo nang kunin ang MJCI Special Race na pinaglabanan noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Rodeo Fernandez ang sumakay sa kabayo at nahigitan ng tambalan ang pangatlong puwes-tong pagtatapos sa hu-ling karerang sinalihan.
Napaboran ang Thunder Ribbon pero hindi agad nito kinuha ang bandera at sa halip ay tinutukan lamang ang maagang paglayo ng Ilocos Magic.
Pagpasok sa kalagitnaan ng 1,400-metro karera ay umalagwa naman ang How Did You Know habang ipinuwesto ni Fernandez ang walong taong gulang na kabayo sa balya.
Sakto ito pagpasok ng huling kurbada at sa pagsapit ng rekta ay nasa unahan na ang Thunder Ribbon bago ipinagpag ang malakas na pagda-ting ng second choice na Forest All sa pagdiskarte ni RM Ubaldo.
Dikit ang bentahan sa karera kaya’t umabot pa sa P14.00 ang ibinigay sa panalo ng kabayong anak ng Account Of Grace sa Jam Jam. May P27.50 ang ipinamahagi sa 4-3 forecast.
Dalawang special race ang pinaglabanan sa ikalawa at huling gabi ng karerang ginawa sa pistang pag-aaari ng Manila Jockey Club Inc.
Ang nanalo sa unang special race ay ang Lucky Man sa pagdadala ni Pat Dilema.
Inilagay lamang ang kabayo bilang third choice at ang Mr. Victory ang napaboran sa 1,300-metro karera.
Pero kondisyon ang apat na taong colt dahil humarurot ito sa pagsapit ng 75-metro para iwan na ang tatlong kasabayan, kasama ang Mr. Victory sa pagdadala ni Ubaldo na puma-ngalawa lang.
Ang Lucky Man na may lahing Prize Cat sa Regent Skipper ay naghatid ng P24.00 habang ang 6-7 forecast ay nagpamahagi ng P54.00 dibidendo.
Ang iba pang kabayo na nanalo ay ang Fire Crackers sa race one, Priceless Joy sa race two, Pasaporte sa race three, Court Of Honour sa race five, Market Value sa race seven at Etcetera sa race eight. (AT)