PUERTO PRINCESA, Philippines -- Kung sakali ay makikita sa slam dunk competition si 2004 champion Cyrus Baguio.
Ito ay matapos magpakita ng interes ang Alaska star guard na lumahok sa naturang event ng PBA All-Star Friday sa Puerto Princesa Coliseum ngayong hapon.
“He was overheard saying he wants to join the contest again. Surely, we’ll entertain his desire. We’ll inform commissioner Chito Salud,” sabi ni PBA operations chief Rickie Santos.
Maaaring makaharap ni Baguio ang limang high-flyers at power-slammers sa skills competitions ng PBA All-Star Friday.
Ginulat ni Baguio ang PBA noong 2004 bilang isang Red Bull sophomore matapos pagharian ang slam-dunk contest.
Sakaling muling maghari, ang dating UST Tigers ang magiging pang-limang PBA player na mananalo ng dalawang beses o higit pa matapos ang mga multiple winners na sina KG Canaleta (5), Kelly Williams (2), Vergel Meneses (2) at Don Camaso (2).
Ang mga mapapanood sa Slam Dunk contest ay sina reigning co-champs Justin Melton at Rey Guevarra bukod pa kina Japeth Aguilar, JC Intal at Matt Ganuelas-Rosser.
Hindi naman makakasali ang mga dating kampeong sina Gabe Norwood at Chris Ellis bukod pa kay Calvin Abueva.
Sa All-Star Friday na magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon ay itatampok din ang Three-point Shootout at ang Skills Challenge kasunod ang Rookies versus Sophomores game sa alas-7 ng gabi.
Sa Rookies versus Sophomores na game na dapat sana ay lalaruan ni boxing sensation Manny Pacquiao, parehong nanalo ng tatlong beses ang Rookies at Sophomores.
Ang Rookies ang huling nanalo sa pamamagitan ng 114-109 tagumpay sa Boracay kung saan hinirang sina Rob Labagala at Sean Anthony bilang mga co-MVP.
Ang Rookies team, gagabayan ni coach Peter Martin ay binubuo nina Ganuelas, Stanley Pringle, Kevin Alas, Chris Banchero, Ronald Pascual, Jake Pascual, Anthony Semerad at Brian Heruela, habang ang Sophies ni coach Jeff Cariaso ay kinabibilangan nina Raymond Almazan, Justin Melton, Eric Camson, Jeric Fortuna, Alex Nuyles, Terrence Romeo, RR Garcia at LA Revilla.