MANILA, Philippines – Aalamin ng mga sports officials ng bansa kung wala nang magiging problema sakaling tanggapin ang alok ng Clark International Airport Corporation (CIAC) na 50-ektaryang lupain para pagtayuan ng makabagong training center.
Sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ay tutulak patungong Clark, Pampanga ngayon para suriin sa huling pagkakataon ang lupa na ipinahihiram ng CIAC sa loob ng 25 taon.
“I together with POC president Cojuangco and other PSC commissioners will do our final inspection before the signing of the Memorandum of Agreement,” wika ni Garcia.
Inaasahang makakasama nila sa pag-iikot si CIAC President at CEO Emigdio Tanjuatco III na pinapaupahan lamang sa PSC ang 50-ektaryang lupain sa halagang piso isang taon.
Puwede pa itong palawigin sa isa pang 25-taon na kontrata kapag napaso na ang unang pinirmahan at ginawa ito ng CIAC para makatulong sa pagnanais ng mga sports officials na makagawa ng bagong training center at maalis ang mga pambansang atleta sa polluted nang Rizal Memorial Sports Complex.
Kailangang magsagawa ng isa pang inspection para matiyak na wala nang aberya sakaling lumipat na ang mga pambansang manlalaro.
“We want to see if the area is not going to be dangerous for planes taking off and landing and does not get flooded during the rainy months,” sabi pa ni Garcia.
Halagang P3.5 bilyon ang pondong kailangang gastusin para makapagpatayo ng pasilidad at na-ngakong tutulong ang Kongreso at Senado para maisakatuparan ang plano. (AT)