MANILA, Philippines – Hinimok ni PSC chairman Ricardo Garcia ang mga National Sports Associations (NSAs) na tutukan din ang mga Olympic qualifying events na nakatakda sa kanilang mga sports para makapagpasok ang Pilipinas ng kinatawan sa 2016 Rio Olympics.
Sa ngayon ay abala ang lahat sa paghahanda ng atleta para sa SEA Games sa Singapore pero idinagdag ni Garcia na mahalaga rin ang tutukan ng mga NSAs ang mga Olympic qualifiers para mabigyan ang mga atletang may potensyal na makapasok sa pinakaprestihiyosong kompetisyon sa mundo.
“Hindi namin alam ang mga qualifiers para sa Olympics ng mga atleta dahil role ito ng mga NSAs. Kaya nga kung maaari ay bigyan nila kami ng listahan para mapaghandaan,” wika ni Garcia.
Dapat na maging pursigido ang Pilipinas na makapagpasok ng atleta sa Olimpiyada dahil papasok na sa dalawang dekada na hindi nananalo ng medalya ang mga panlaban ng bansa.
Taong 1996 sa Atlanta huling nakatikim ng medalya ang bansa nang makapag-uwi ng pilak si Mansueto Velasco.
Mula rito ay bokya na ang mga resulta ng pambansang delegasyon at kapansin-pansin din na pababa nang pababa ang bilang ng mga Filipino athletes na nakakasali sa Olympics.
Sa 2012 London Game ay 11 lamang ang naipadala ng bansa at pinakamababa ito matapos ang walong atleta lamang na isinabak noong 1932 Berlin Games.
Idinagdag pa ni Garcia na may ilalaan na pondo ang PSC sa mga makakaabot ng Rio. (AT)