2015 Ronda Pilipinas champion Walang kawala kay Barnachea

BAGUIO CITY, Philippines – Ipagdiriwang bukas ni Santy Barnachea ang kanyang ika-39 kaarawan bilang kauna-unahang back-to-back champion ng Ronda Pilipinas na inihandog ng LBC.

Ganap nang hinirang si Barnachea ng Navy Standard Insurance bilang overall champion sa pagtatapos ng nasabing eight-stage cycling event kahapon dito sa Burnham Park.

Nagsumite ang tubong Umingan, Pangasinan ng aggregate time na 24 oras, 2 minuto at 44 segundo para tuluyan nang ibulsa ang premyong P1 milyon.

“Mahirap na nga makaisa eh, siyempre lalo pa yong maging back-to-back champion ka, kaya talagang masayang-masaya at proud na proud ako sa na-accomplish ko,” ani Barnachea, ang inaugural champion ng Ronda Pilipinas noong 2011 bukod pa sa paghahari sa Tour of Calabarzon noong 2002 at sa Padyak Pinoy.noong 2006.

Ilang buwan bago ang kompetisyon ay naging determinado si Barnachea na muling magkampeon sa pinakamalaki at pinakamayamang cycling event sa bansa.

Nagbawas siya ng timbang at nagpakondisyon.

“Mga ilang buwan ko ring pinaghandaan ito eh. Iyong training namin talagang mas mahirap kum-para sa dati,” sabi ni Barnachea. “Nagbawas ako ng timbang para maging trim ako, tapos mabigat ang ginawa kong training kasama ang team (Navy).”

Sumagi rin sa isip ni Barnachea na magretiro matapos ang karera. Ngunit dahil na rin sa kanyang panalo ay nagdadalawang-isip siya ngayon.

Tumapos naman bilang ikalawa at ikatlo sina Stage One winner George Oconer (24:09.41) ng PSC/PhilCycling at John Paul Morales (24:10.22) ng Navy para sa premyong P500,000 at P250,000, ayon sa pagkakasunod.

Si Morales, naghari sa Stage Seven 8.8-km Individual Time Trial sa oras na 00:28.32, ang tumanggap ng Petron Sprint King award at napasakamay ni Junrey Navarra ng PSC/PhilCycling ang Mitsubishi King of the Mountain sa ikatlong sunod na taon.

 

Show comments