MANILA, Philippines - Sinamantala ng DeLa Salle University ang mga errors ng defending champion Ateneo para kunin ang 14-12 panalo at angkinin ang ikalawang Finals slot sa UAAP Season 77 baseball tournament kahapon.
Kaagad na nagtayo ang Green Batters ng seven-run advantage mula sa mga throwing errors ng Blue Eagles sa first inning.
Nang magbalak ang Ateneo na dalhin ang laro sa bottom ninth, sumandal ang La Salle kay Carlos Muñoz, pumalit kay Carly Laurel matapos ang eighth inning, para selyuhan ang kanilang panalo sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
“I just told our pitcher na one out at a time, huwag ma-pressure. Kahit umiskor sila ng pa-isa-isa, ang importante eh ma-hold namin yung outs nila,” wika ni Green Batters coach Joseph Orillana.
Ito ang ikaanim na panalo ng La Salle sa siyam na laro sa likod ng 7-3 record ng Blue Eagles na hangad ang three-peat.
Maglalaban ang Ateneo at ang La Salle sa best-of-three championship series.
Layunin ng Green Batters na maiganti ang kanilang finals loss sa Blue Eagles noong nakaraang season.
Magisimula ang kanilang title series sa March 5.
Ang panalo ng La Salle ang tuluyan nang tumapos sa pag-asa ng University of the Philippines, kumuha ng 7-4 panalo sa National University sa unang laro, na makapasok sa title round.