Pagbabago sa PBA
MANILA, Philippines - Nagdesisyon ang Philippine Basketball Association, isang pro loop na may 12 member ball clubs bukod pa ang 12 D-League teams na nagdaraos ng mga laro halos araw-araw, na baguhin ang kanilang organizational structure kasabay ng paghahanap ng susunod na Commissioner.
Ito ang napagkasunduan ng PBA board of governors, pinamumunuan ni chairman Patrick Gregorio ng Talk ‘N Text, sa executive session kahapon sa PBA office sa Libis, Quezon City.
Sa nasabi ring pulong ay hinirang sina Gregorio, Rene Pardo ng Purefoods at Mert Mondragon ng Rain or Shine sa isang special committee na mag-aaral sa gagawing pagbabago sa organizational structure ng liga at ang pamumuno sa paghahanap ng PBA commissioner.
Ang ikaapat na magiging miyembro ng komite ay isang human resources professional.
“It’s the first time that this will be done, and this is to professionalize the search,” sabi ni Gregorio. “What’s more important is that before we pursue the search for the next commissioner, the board has approved the reorganization of the PBA,” dagdag pa nito.
Itinuturing ng tatlong miyembro ng komite ang PBA bilang isang corporate body na pinamumunuan ng iba’t ibang department heads.
Sa kasalukuyan, ang Commissioner ang nag-aasikaso sa PBA at PBA D-League at nasa kanyang ilalim ang four-man management committee para sa admi-nistration, operations, finance at marketing.
Ang PBA board ang gumagawa ng mga resolusyon at ang commissioner ang nagpapatakbo sa liga. (NB)
- Latest